#SerbisyoBandera: Emilio Baja wagi sa unang Youth Advocate Media Award para sa OFWs
This article was originally published by Pauline del Rosario in Bandera
KUNG may award para sa “pinaka makabuluhang ganap ng buwan,” pasok na pasok dito ang kwento ni Emilio Baja, ang founder ng Full Phils na nagtataguyod ng edukasyon para sa mga Overseas Filipino Workers (OFWs).
Sa isang milestone moment, kinilala si Emilio bilang Youth Advocate awardee sa Media Advocate category sa 2025 Migration Advocacy and Media (MAM) Awards ng Commission on Filipinos Overseas (CFO).
Ang parangal ay patunay ng kanyang adbokasiya na palawakin ang access sa higher education ng mga migranteng Pilipino, lalo na ang mga domestic worker sa Hong Kong, sa tulong ng Full Phils.
Sa likod ng tropeo at palakpakan, isang malinaw na mensahe ang bitbit ni Emilio…ang lakas at tibay ng OFWs.
“This award represents the strength of our OFWs – people who continue to push forward despite distance, sacrifice, and uncertainty,” sey niya.
Dagdag pa niya, “Full Phils exists because we believe education should never be out of reach.”
Ibinigay ang national recognition noong December 11 ng nakaraang taon matapos ang masusing pagpili mula sa 95 entries mula sa 17 bansa, na sinuri ng isang panel na kinabibilangan ng CFO Chairperson at ng Vice-Chair ng Philippine Migrants Rights Watch.
At hindi lang diyan nagtapos ang highlight reel ng Disyembre para kay Emilio.
Naging panel speaker din siya sa 2025 BaLinkBayan Stakeholders Conference, kung saan pinag-usapan ang mas aktibong pakikilahok ng diaspora at ang pagbibigay-lakas sa OFWs sa pamamagitan ng migration, philanthropy, at partnerships.
Ilang araw lang ang lumipas, nagsalita rin siya sa National Forum on Migration and Celebration of International Migrants Day, kung saan ibinahagi niya kung paano nagbubukas ng pinto ang Full Phils scholarships para sa mga OFW na gustong ituloy ang kanilang mga pangarap at hinikayat ang mas matibay na civic engagement para sa kapakanan ng mga migranteng Pilipino.
Ang tema ng forum na “Empowering Overseas Filipinos/OFWs Towards Sustainable Reintegration” ay swak na swak sa misyon ng Full Phils.
Itinatag noong 2023, ang youth-led nonprofit ay nagbibigay ng accredited online college programs sa mga OFW sa Hong Kong, katuwang ang AMA University, Philippine Women’s University, at ang University of the Philippines Open University.
Suportado rin ito ng mga corporate donors at governance partners na tuloy-tuloy na tumutulong sa scholarship efforts.
Sa kanyang acceptance speech sa MAM Awards, binalikan ni Baja ang kahalagahan ng youth-led advocacy: “Standing here today – as the youngest person in the room – I feel humbled. To whom much is given, much is expected. There is still so much work to do alongside and for our OFWs.”
Sa loob lamang ng dalawang taon, nakapagbukas na ang Full Phils ng oportunidad sa tertiary education para sa mahigit 30 OFWs, at may dalawang graduates na rin sa ngayon na lahat ay sinusuportahan ng isang global volunteer network.
“Every scholar reminds us why we do this work,” wika ni Emilio.
Patuloy niya, “Their determination proves that reintegration is strongest when built on opportunity and education.”
Habang patuloy na pinalalawak ng Full Phils ang mga programa nito, mas marami pang OFWs ang inaasahang mabibigyan ng pagkakataon sa edukasyon, empowerment, at mas makabuluhang ugnayan sa diaspora.
Para sa mga gustong makilala pa ang Full Phils o makipag-partner, maaaring bumisita sa https://fullphils.org.
